pero sa katunayan, ganoon na nga...
http://vicissitude- decidido. blogspot. com/2008/ 12/world- is-fucked- up.html
Matagal na sa aking ipinadala ng kaibigan ko ang link na ito. Sa ym pa nga. Paulit-ulit niyang sinabi sa akin na kailangan kong basahin ang nakasulat dito pero dahil masyado akong maraming ginagawa ng mga panahon na iyon, hindi ko na ito naasikaso. Akala ko kasi isa lang ito sa mga "OMG-my-crush-smiled-at-me" na tipo ng blog entry. Hanggang sa nakita ko na naman ang link na ito sa isa sa mga mensaheng natanggap ko sa email.
Ang lapit. Pakiramdam ko ngayon ang lapit ng mga pangyayaring ito sa akin. Nung isang araw, sa news ko lang napanood ito. Ngayon, nababasa ko mula sa isang pangkaraniwang estudyante... na kasing edad ko... na marahil ay katulad ko rin... ang ganitong pangyayari.
Sa totoo lang, hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Wala pa sa ayos ang aking pag-iisip dahil kasasalubong ko pa lang sa bagong taon. Ang gusto ko lang, ibahagi sa ibang tao ang saloobin ng dalagang ito. Kailangan ng pamilya niya ng dasal. Grabe siguro ang takot at poot na nararamdaman niya, ngunit hanga ako dahil matapang niyang naisulat ang mga ito.
Haaay... Nakalulungkot isipin na maraming umaabuso sa kanilang kapangyarihan.
"Hindi nila kami kilala! Sabihin mo nga sa kanila kung sino ako!"
"Tatandaan kita!"
Pangarap ko pa namang maging isang politiko. Kaya lang minsan, nakatatakot. Nakatatakot na sa pagpasok ko roon ay baka masilaw ako sa kapangyarihan at umasta na lamang ako na kagaya nila. Sila... Minsan tuloy, naiisip ko, ganoon ba talaga sila kasama? Siguro naman hindi sila pinalaki ng mga magulang nila nang ganun. Ano ba talaga ang problema, yung mismong sistema o yung mga taong nakaupo sa puwesto at nagpapatakbo ng gobyerno?
Lahat na ata ay nabanggit na ng mga taong nag-comment sa post ng dalagang ito na may 56 anyos na ama at 14 anyos na kapatid na naging biktima ng pang-aabuso ng kapangyarihan, kaya dapat ko na atang itigil ito.
Ipinagdarasal ko lang na sana huwag magpadaig ang mga taong nasa posisyon sa kapangyarihang taglay nila. Naniniwala ako na may kabutihan pa rin na natitira sa kanila. Sana naman gamitin nila ito upang makagawa ng mabubuting bagay. Kung tutuusin, ipinagkaloob lamang ito ng mga tao sa "ibaba" eh, ng mga karaniwang tao. Kaya wala silang karapatang magmalaki at gamitin ito upang kunin ang nais nila habang may ibang naaabuso.Tulungan naman sana nila tayong ibangon ang bansa natin at ang estado nito sa mundo.
Madalas kong nararamdaman at nakikita na marami pang mga kagaya ko na umaasang makababangon muli ang Filipinas mula sa pagkakalugmok. Sana naman huwag hayaan ng mga pinuno na mawala ang pag-asang ito. Sana, hindi pa SILA ang maging dahilan ng pagkamuhing nararamdaman ng mga kapwa ko Filipino.
Manigong bagong taon!
Thursday, January 1, 2009
Hindi dapat ganito...
Posted by Hannah at 12:07 PM 2 comments
Subscribe to:
Posts (Atom)